top of page
Sant Aldo

Labinlimang Tula Mula at Para sa mga Lumad

Updated: Jan 29, 2022


Ang edukasyong Lumad ang naging pangunahing sandata ng komunidad laban sa patuloy na pagpapabaya at pang-aabuso ng mga nakaupo sa gobyerno. Ngunit, sa halip na mga armas ang nilalaan sa mga mag-aaral, panulat, papel, pag-asa, at kaalaman ang hatid nila sa sisibol na henerasyon ng mga Lumad. Sa kanilang edukasyon, nagagawa nilang gunitain ang kanilang mga buhay at masasayang alaala sa kanilang mga katutubong pamayanan at naipapahayag ang katotohanan ng kalagayan ng mga Lumad sa pamamagitan ng sining at pagsusulat. Kung kaya’t ibabahagi namin dito ang labinlimang tulang nilikha ng iilang Lumad na mag-aaral. Sabay sabay nating dinggin ang kanilang mga kuwento’t panawagan.



Simulan natin sa limang tulang ito kung saan malikhang isinasalaysay ng mga mag-aaral ang kanilang sitwasyon ukol sa kanilang edukasyon, lupa, kultura, karapatan, at kalayaan.


“Buhay Lumad”

Ni: Ariel

Isinilang sa malayong kabundukan

Mayaman sa kalikasan pinagmulan

Ang buhay naming komunal

Malaya sa kabihasnang iniluwal.

Napatayo ang mga paaralan

Na inisyatibo ng aming magulang

Pinag-imbakan ng aming kaalaman

Naging bahay namin at pasyalan .

Niloko kami ng bulok na estado

Pinasok ng mga berdugong militar

Kasama ang dayuhang minahan

Upang hukayin ang yaman ng aming lupang ninuno.

Sumulong ka bayan tayo ngayo’y lalaban

Bulok na sistema ibagsak

Kapitalistang dayuhan palayasin

Pangulo mismo patalsikin at ibagsak..



“Malayang Lipunan”

Ni: Sylvia

Kabataang mulat sa katotohanan

Kritikal mag-iisip at mapanuri sa

Lipunan, sa kabila ng lahat kami

Ay pinalayas ,tinaboy at sinira ang aming paaralan.

Kinamkam nila ang aming kayamanan,

Minina at tinaniman ng plantasyon

Ang aming inang kalikasan,kami ay

Lumisan sa sariling bayan.

Kami ay lumaban para mapalaya

Ang ating sambayanan, katulad

Ng ibong malayang lumilipad

Sa kawanangan,kahit marami

Mang dugo ang dumanak sa

Lupang tinubuan.Para kamtin

Ang mabungang lipunan.

Sama-samang pagkilos para

Baguhin ang Sistema ng ating

Lipunan, tayong mga mulat kumilos

At lumaban sa buhok na Sistema

Ng ating sambayanan.



“Pagkilos”

Ni: Aragene

Pag-ibig sa lupang tinubuan

Mas pinahubog ng mahal naming paaralan

Na pinanday sa kanayunan

Upang depensahan aming tahanan

Masaya kaming naninirahan

Sa paraiso ng kalikasan

Ritwal naming hanggan.

Ang saya ay napalitan

ng lungkot inagaw nila

ang sarili naming lupang pinagtatamnan

ng iba’t-ibang halaman hindi naman kami ang makikinabang

namulat na ang kabataan

sa ginawang kasamaan

ng gobyernong maraming kahibangan

dito sa mundong ating inaapakan

sulong mga kapatid

tayo ay magkapitbisig

nakikibaka kahit saan

mapunta labanan ang imperialista

upang ipatumba.



“Hakbang Pasulong”

Ni: Lala

Daluyan ng aming talino

Tumatalima kahit kanimo

Na minana sa aming ninuno

Ngayo’y dumadaloy sa aming dugo.

Nang masilayan isang munting tahanan

Ito pala’y lugar ng kaalaman

Na nagbigay ng pangarap kong pangkalahatan

Dahil sa diwang makabayan ,makasama at mapanuring kabataan. .

Ngunit ito’y hinadlangan

Ng mga kapitalistang sakim sa yaman

Karapatan ko’y niyurakan

Dahil sa interes ng iilan .

Dahilan ng pang –aabuso

Ang pagyurak sa karatang pantao

Nagkunwaring pinuno

Na siyang dahilan ng aming pagkapako.

Kaya’t sa murang edad aking namataan

Na kailangan kong lumisan

Upang ibahagi sayo

Ang munti kong panawagan .

Mapipilitang lumisan at humiwalay sa magulang

Babaunin ang malupit na karanasan

Sa aking paghakbang , ayaw ko nang lumingon sa likuran

Sapagkat ayaw kong makita ang magulang

Kong luhaan.

Mamamalagi sa kamaynilaan

Maglalaan ng oras para sa panawagan

Upang maibalik

Ang ninakaw na kinabukasan.

Palipat –lipat kahit saan

Kumakatok sa pintuan

Sa bawat matutuluyan

Ngiti at suporta ang nararamdaman .

Gusto kitang pasalamatan

Ngunit di ko alam kung sa anong paraan

Alam ko lang na diko makakalimutan ang mga

Napagtagumpayan.

Sa araw na ito ako’y hahakbang

Kasama ang mapait kong karanasan

Na siyang dahilan kung bakit

Ipagpapatuloy na paglingkuran ang

Sambayanan.



‘’Mahal kong kumonidad’’

Ni: SITOY

Mahal kong komunidad, Mahal kong komunidad

Gusto kong maranasan ang komunidad na malaya,

Kaming naglalaro sa aming kapaligiran at

Masaya kaming umaakyat sa mga punong kahoy

At gusto kong maranasan ang ihip ng hangin

Na dumadaloy sa aming komunidad kung saan kami nagmula ,

At kung saan kami nanggaling.

Ngunit naramdaman ko ang pag-aabuso ng mga

Sundalo at military, winasak nila – winasak nila

An gaming kinabukasan

Paano na kami Paano kami..

At paano na ang susunod na salinglahi at tayong lahat

Ay hindi tayo papayag na ang ating kabundukan ay mawasak na

At ang ating kinabukasan ay maubos na

Tayong lahat ay titindig at babangon sa kinagisnang

Kabundokan na ito’y buhay nating lahat.

Hindi tayo hihinto tayong lahat

Ay gisingin natin ang lahat

Ay sabay- sabay para ihinto ang karanasan

Laban sa paghihirap ng ating sambayanang Pilipino

Hindi tayo hihinto tayo ay sabay- sabay

Babalik sa ating mahal na kumonidad

Dala- dala ang tagumpay.


Kahit na malayo sa kanilang tahanan at hiwalay sa mga magulang, taos-puso pa rin ang pagmamahal ng mga mag-aaral sa kanilang mga komunidad at pamilyang Lumad. Higit sa rito, labis din ang kanilang pag-ibig at inaasahan para sa ating bansang Pilipinas tulad na lamang sa mga susunod na berso.

“Ikaw at Ako”

Ni: Mary Jane

Kasama kita sa labanan

Kasabay kita sa sigawan

Ilang ulit nating sinasambit

“Mahal kita oh aking bayan”

Lagi kong hinahawakan ang iyong kamay

Sapagkat dito tayo nakasalalay

Sa tabi ikay pasulyap-sulyap

Takot ka na ako’y mawala sa iyong harapan

Nakatitig ka lagi sa akin

Akoy naiilang sapagkat gusto mo akong akitin

Mukha mo’y sobrang kay amo

Nagising ako at napaiyak

Nabihag mo ako sa puso mong busilak

hindi mo ako pinabayaan

para sa pagmamahal mo sa bayan



“Panahon Ang Magpapasya”

Ni: Mech Bosmeon

Sa ating mga bisig

Binuo natin ang makauring pag-ibig

Sa bayan at sa daigdig

Ng walang ligalig.

Pinaghuhugutan natin ng lakas

Kalagayan ng masang bumabalikwas

Sa kadenang sa leeg nakagapos, ipikit man ang mata’t matulog ng mahimbing

Kinabukasan kalagaya’y ganun parin.

Hindi tayo palaging magkasama

Tawag ng pangangailangan ang siyang mapagpasya

Magkalayo man katawan lamang ang nawala

Prinsipyo’t panindigan mananatiling,

Paglilingkuran ang sambayanan.



“Pag-ibig sa Bayan”

Ni: Tata

Sumikat ang araw ako’y namulat sa katotohanan

Sa mahabang panahon ay naranasan

Ko na ang pawis at dugo na dumadanak sa lipunan

Ngayon alam na alam ko na ang nangyayari

Sa lipunan, titindig ako at lalaban.

Akoy nahirapang huminga dahil maraming

Nakaharang sa ating buhay.

At nahirapan din akong huminga

Dahil sa problemang ating kinakaharap

Kung ang kahirapan mula sa pag-ibig ay

Minamahal pa rin natin ang bayan

Sa maraming pagsubok na naranasan

ay hindi tayo susuko kung hindi laban lang.

Isipin natin ang pag –aaral natin at

Paglaban ay naging presyon sa pag-aral

Isipin natin ang pinaglaban natin ay

Hindi para sa iilan kung hindi para sa

Lahat kayat tayong mga kabataan

Hindi tayo tatahimik sa pagsigaw

Ipag patuloy natin ang nasimulan.



Bilang kabataan, lahat tayo ay may kaniya-kaniyang pangarap at hangarin sa buhay na nagsisilbing inspirasyon para magpatuloy sa hinaharap sa kabila ng maraming paghihirap at pagsubok sa buhay. Hindi naiiba rito ang mga kabataang Lumad na ang tanging hangad lamang ay makapag-aral at makapagtapos.



“Winnie

Ako ay isang batang lumad gusto kong makapagtapos

ng aking pag-aaral

dahil hindi namin gusto na hindi kami makapag-

tapos…na hindi napag-aaral.

Para hindi maulit ang panloloko sa aming mga magulang

Dahil hindi namin gusto na ipasara ang aming mga paaralan.

Kahit bata, may karapatan akong sumigaw kung ano

Ang nakikita ko, gusto kong makapag-tapos

Ng pag-aaral dahil may Karapatan ako.



“GURO”

Ni: Gina

Pag tungtong mo palang dito sa aming hagdanan

Kaming lahat ay sabik na sabik na matutunan,

Ang iyong ibabahaging kaalaman na iyo ring natutunan

Sapagkat kami ay uhaw na uhaw sa kaalaman

Pero busog na busog kami sa karanasan

Karansan na hindi kanais nais maranasan

Sa murang gulang ay pilit nang lumalaban at tumindig

Sa lansangan nagsisigawan para sa ipinagkait na karapatan

Nawalan na kami ng pag-asa na makamit pa ang aming mga pangarap

Ngunit nandyan kayo upang palakasin ang nanghihina na naming kalooban

Hindi lang aralin ang inyong itinuturo sa amin kundi tinuturuan niyo rin kami kung paano mangarap at magsikap,

Kaya naman nabubuhayan ang aming kalooban at handa ng harapin ang bagong hamon.

Ramdam na ramdam naming lahat ang tuwa

Sapagkat alam namin na kayo ang magbibigay ng pag.asa at muling bubuhay sa mga patay na naming mga pangarap

Pangarap na tanging sa panaginip na lang nasisilayan

Nangangamba man kami na hindi namin kapiling ang aming mga magulang

Nguni’t nandiyan kayo para ituring kaming tunay ninyong mga anak

Na para bang kapiling na naming muli ang aming mga magulang

Kaya naman labis kaming nagpapasalamat sa inyo

Walang kapantay na pagmamahal sa amin.

Hinubog niyo kami sa lahat ng kaalaman

Salamat sa inyo aming mga guro sa pag-aaruga at pagtuturo

Dahil sa inyo naliwanagan ang madidilim naming mga isipan

Dahil sa dala.dala niyong ilaw at liwanag

Wala na kaming ibang masasabi kundi salamat

Sa walang humpay na paghubog ng kaalaman

Sa walang sawang pag-intindi at pagsuporta

Ng dahil sa inyo handa na akong abutin ang mga matatayog kong mga pangarap



Ilang dekada na ring tumagal ang pakikibaka ng komunidad ng mga Lumad, ngunit patuloy pa rin silang tumitindig at lumalaban para sa kanilang mga karapatan dahil sa kanilang pagpupunyagi at pagmamahal sa komunidad. Sa mga sumusunod na tula, ating pakinggan ang mga naging pagsubok pati na rin ang mga tagumpay ng kanilang pakikibaka mula sa pananaw ng mga estudyanteng Lumad.


‘’Lupang Labis na Naghihirap ‘’

Ni: Reynold

May saya at lungkot itong kaakibat

Pangingibang bayang marami ang naghangad

Makalayo sa lupang labis na naghihirap

Maiahon sa dusa mga mahal na liyag

Mapalayo man ng labis tulak ng mga pangarap.

Kahit kapalara’y di tiyak ang tungo

Nagbabasakaling makatisod ng ginto o

Kahit na tanso sa dayong lupang

Malayo hahamakin ang hirap at lahat ng siphayo,

Mairaos ang bukas ng mga mahal na sugo.

Kung sa paglalayag tagumpay ang nakita

Anong saya ng puso sa katiyakang napala

Kapalit ng sakripisyong mawalay sa pamilya

Tanging nasa isip ang sila ay lumigaya

Itinatayang kapalit ang sariling dalita.

Subalit kung kabiguan ang siyang

Sumalubong sa hangaring magtagumpay sa

Natunbok na nayon

Ang sakit sa kapalarang humagis sa balon

Pinuhunang pasakit ,kwarta’t gintong panahon

Pag-asang tiningala maglalahong parang alon.

Ganon nga sana’y ganon lang ang mangyari

Paano na kung pati buhay nauwi sa pagkasawi

Dahil sa pang-aabuso ng mga among salbahe

Higit na kalungkutan at labis na unsyami

Naulilang pamilya mauupos sa dalamhati .

Kaya nga ang pangingibang baya’y di iisa

Ang mukha kung may kinang na

napupulot may lungkot ding kasama

Sa lahat ng sulok at kung saan man mapunta

Kapalaran tinatahak di pareho ang mga

Linya kung mayroong ligaya,mas madalas ang hapdi’t dusa.



“Magiting Noon at Ngayon”

Ni: Michael John

Nabuhay ang naghihinagpis na kalayaan

Dahil sa duguang labanan

Sa lakas at tiwala nilang mapanalo

Ang bayang lumalagablab na parang impyerno

Ngayon ang kabataay sumusulong

Katulad ni Andres Bonifacio na hindi umuurong

Na gustong makawala sa pagkagapos

Ang bansang inaliping lubos

Ang unang araw lumalaban sa lipunan

Na siya’y ibong tinali sa malinaw na tubig

Rebulosyong inilunsad para makadilig

Edsang matinik binabagtas ng karamihan

Sa bansang ipinaglaban ng kabataan

Batang namulat agad sa katotohanan

“on the way” sa lansangan”

Na sumisigaw ng katarungan

Iniluwal at napilt na lumaban dahil sa kasinungalingan

“first time” sa bakwit na iskwelahan

At napamahal sa kasamahan

“colorful” ang placards na dinadala

Isinisigaw sa harapan ng mendiola

Oras na para makikibaka

Lipat, palipat-lipat ng tulugan

Umibig parin sa tirahang kalikasan

Mandarambong na bulakbol

Aanhin ka kung ang kalikasa’y di sisibol

Damhin ang tagumpay ng pakikibaka

Para sa kalayaan ng ating bansa.



“0rasan”

Ni: Roldan

Mabilis ang takbo ng orasan

Kasing bilis ng pagbago

Ng mga pangako

Na napako

Inihalal sa pwesto

Ang isang kandidato

Na animo’y santo

Sa kanyang pagtakbo

Isinasamba ka ng mga dukha

Sa’yang` matatalas na dila

Na laman ng mga balita

Ngunit simbilis ng bula

Ang pagpalit ng mascara, mura

Ang kanyang bawat salita

Ito ay dyablong walang kaluluwa

Tama na ang mga paghihirap

Panahon na para biakin

Ang pader na humaharang

Sa ating kinabukasan

Magkaisa sa pagtanggal

ng tinik sa ating leeg

Na tinusok

Naghihintay na ang mga sulo

Naghanda na sa pag martsa

Sa daan

Para isigaw ang maraming

Panawagan

Libreng edukasyon at kalayaan para sa ating lahat.



“Taas Kamao”

Ni: Monskie

Hindi simple ang buhay

Kasama ang aking mga kaakbay

Sa paghihirap lagi kaming nakahandusay

Mga mata ng gobyerno ay laging nakabantay

Nagpupumiglas ang mga bisig

Ng mga kasamahang nakapiit

Sa kabilang nakakandado na lungga

Ng mga demonyo

BAGTAAS!

Isusulong hanggang taas

Itatayo ang bandila ng masa

Na pinagbibigkis ng pagkakaisa

Malinaw ang pag-asa

Sa tubig ng sapa ito ay agos ng digma

Laban sa pagsasamantala

Malinaw ang pag-asa

Sa tubig ng sapa ito ay agos ng digma

Laban sa pagsasamantala

Taas kamao!! Taas kamao

Mananatili kami sa harap niyo

Hangga’t buhay ang naghaharing unggoy

Ay walang makakapigil sa aming pagdaloy


“Pakikibaka”

Ni: Jan-Jan

Sa pagpikit nang aking mga mata

Tila walang nangyari

Sa pagmulat nang aking mga mata

ay doon ko nakita ang pangyayari

maraming buhay ang nasayang

at maraming buhay ding inalay

Sa kabila ng mga pangyayari

Ay hindi kami nawalan ng

Pag-asa at patuloy din naming

Hinihingi ang hustisya para

Sa mga biktima

At hinding hindi kami titigil

sa pakikibaka hangga’t hindi

namin makamit ang

pagkakapantay-pantay

At sa kabila ng aming pakikibaka

ay mayroon namang nakamit na tagumpay



Ang mga tulang ito ay hindi lamang mga kuwento o aral, kundi mga totoong kalagayan at karanasan ng mga Lumad na nilikha at nanggaling mismo sa mga Lumad na mag-aaral. Iba-iba man ang pananaw at nilalaman ng mga tula, isa lang din ang kanilang ninanais -- ang makamit ang tunay na kalayaan ng kanilang Lumad na komunidad. Sapagkat tulad natin, sila rin ay mga kapwa nating mag-aaral na mayroong mga pangarap at hangarin sa buhay.




43 views0 comments

Related Posts

See All

Comments


stand with us
bottom of page