Saan nga ba umaabot ang tulong mo?
Madalas, naiisip natin na wala o kakaunti lamang ang nagagawa ng dalawampung piso, walang nararating ang pagpindot ng ‘like’ o ‘share’ ng isang Facebook post, at walang nabubungang makabuluhan ang pagboluntaryo o paggawa ng mga inisyatibo. Ngunit, sa aming pakikipag-usap kasama ang iilang mga estudyante ng Lumad Bakwit School, iba ang kanilang pahayag ukol dito. Samakatuwid, hayaan niyo sila, ang mga nagsisilbing katibayan, na kumbinsihin at imulat kayo kung ano nga ba ang nagagawa ng tulong ninyo.
Sa aming tanong na, “Ano ang kahalagahan at kabuluhan ng pagboboluntaryo, paghahandog ng mga donasyon, at paglilikha ng mga proyekto’t inisyatibo sa komunidad ng mga Lumad?”, taos puso at masusing ipinaliwanag ng isang binatang mag-aaral ang kaniyang palagay.
“Mahalaga talaga ‘yung tulong na nakukuha namin para magpatuloy ‘yung pakikibaka namin. Kinakailangan ng taga-suporta sa mga pagkain o sa mga pinansyal kasi kung kami kami lang ang makikibaka para sa aming lupang ninuno, hindi kami makakaahon dahil mananatili yung harassment at pang-aabuso sa amin. Kung walang mga taga-suporta, hindi rin mapapalaganap ‘yung mga isyu namin kasi wala kaming mga materyales para ipahayag kung ano ‘yung tunay na pangyayari, kalagayan, at kuwento naming mga Lumad doon sa Mindanao at sa aming mga paaralan.”
Malugod namang idinagdag ng isang 19-taong gulang na mag-aaral ng Grade 11 ang kaniyang pahayag na,
“Nakakatulong po sa amin yung pagbitbit ninyo sa aming mga panawagan. Kung wala po kayong mga sumusuporta, hindi po mananatili yung Bakwit school. Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa inyo dahil kahit papano, kahit maraming mga pangamba, nandiyan pa rin kayo nagpapatuloy na tumutulong sa amin. Hanggang sa pagbalik namin sa komunidad namin, hindi namin malilimutan na hindi lang kami ‘yung lumalaban para sa tunay na kalayaan naming mga Lumad.”
Ngayong uuwi na ang mga estudyante sa kanilang mga pamilya’t komunidad sa Mindanao, hindi pa rito nagtatapos ang laban. Sa halip, dapat ay mas mahikayat tayo na tulungan at suportahan sila sapagkat sila’y babalik upang ipagtanggol muli ang kanilang mga lupain at pamayanan. Ayon sa isang mag-aaral, tayo ang “magpapatuloy sa laban ng mga Lumad [dito sa siyudad]. Kapag makauwi kami sa komunidad namin, doon na kami magpapatuloy na mag-organisa at magpalawak pero inaasahan naman namin na nandito kayo at kayo ang magpapatuloy sa pakikibaka namin.”
Bukod sa pagpapaliwanag, lubos ang pasasalamat ng mga mag-aaral. Ito ang mensaheng nais nilang ipahatid sa mga taong patuloy na nakikiisa at tumutulong,
“Maraming salamat dahil andito kayo. Kayo po ‘yung naging silbing daan para mas mapalawak pa ang hanay at mapanatili ang Lumad Bakwit school. Hindi namin alam kung ano ‘yung gagawin namin para masuklian ‘yung pagsuporta niyo sa amin. Maraming salamat din po dahil handa kayong makinig sa mga kuwento namin at hindi kayo nagsawang sumuporta kahit paulit ulit na lang kami. Alam naming galing sa puso ‘yung pagtulong ninyo dahil alam niyo ang pangangailangan at ang tunay na sitwasyon namin. Kayo po yung lakas ng loob namin para magpatuloy sa pakikibaka ng mga Lumad.”
“Handang-handa po namin kayong tanggapin lalong lalo na't sa mga taong gusto pang tumulong sa amin.”
Kasabay nito, alalahanin din natin na ang pagtulong ay hindi nangangahulugang tayo ang magliligtas sa kanila. Subalit, ipinapakita ng pagboboluntaryo, paghahandog ng mga donasyon, at paglilikha ng mga proyekto’t inisyatibo na tayo ay nakikiisa sa mga Lumad, sumusuporta at tumitindig sa kanilang laban tungo sa tunay na kalayaan. Hindi mo kailangan gumawa ng isang pambihirang gawa, sapagka’t ang kolektibo at sama-samang pagkilos natin ay bubunga ng pambihira at makabuluhang pagbabagong ninanais ng mga Lumad.
Photo Credit: https://clockcanvas.com/products/helping-hands-canvas
Comments