Malinaw na malinaw pa sa aking isipan,
Ang huni ng iba’t ibang hayop na nagkukulitan,
Kasabay ng halakhakan ng kabataan,
At ang sariwang simoy ng hangin sa kapatagan.
Kay sarap magbalik-tanaw sa nakaraan,
Noong mga panahong tayo ay iisa sa kalupaan.
Siyang nagturo sa atin ng kaligayahan at pagmamahalan,
Paano na ngayong kinailangan natin siyang iwanan?
Walang tigil na pinagyabong ang lupang sakahan,
Ngunit hindi naging ligal na pag-aari ni minsan.
Araw-gabi, walang katumbas na dugo’t pawis ang ipinuhunan,
Munting alaala na lamang ba sa ating isipan?
Hindi lamang kabuhayan kundi pati na rin kalakasan,
Kapayapaan sa piling ng mga ani’t tanim nais balikan.
Kapit-bisig natin itong ipaglalaban, walang iwanan,
Pagkat ito’y ating ipapamanang kayamanan.
Hindi lamang para sa kinabukasan ng kabataan,
Kundi para na rin sa minamahal na bayan.
Tuloy-tuloy na kakayod at pagsusumikapan,
Hangga’t sa nararapat ay mapasakamay at makamtan.
Mga magsasakang Lumad na patuloy na lumalaban,
Para sa lupa, para sa tao, at para sa bayan.
Comments