Photo by: Yuki
Minsan ko na ring nakasama ang mga Lumad Bakwit students at ito ang nangyari.
Isang simpleng tanghali iyon; ang oras ay mga bandang ala una o alas dos, saktong oras ng siesta dahil sa nakakabusog na tanghalian.
Alalang-alala ko pa noon ‘yong tagaktak ng pawis na tumutulo mula sa aking noo pagkatapos kong talunin ang mga matataas na hakbang ng aming bahay makarating lamang sa kwarto ko at mabuksan ang aking laptop. Bagaman hinahabol ang aking hininga, walang pag-aalinlangan kong pinindot ang isang link, pinunasan ang nanlalagkit na mukha, nag-ayos ng bahagya, at saka pinindot ang “Join to Enter.”
Ilang segundo lang ang lumipas — halos nabibilang pa ang oras ng pag-aantay sa aking sampung mga daliri — ay nakarinig ako ng mga bagong masigasig na boses, mga bagong ngiting magbibigay-kabuluhan sa aking pagtulong, at mga bagong mukhang matatawag kong kaibigan. Sa loob ng isang Google Meet ay nakilala ko na rin sa wakas sina Maria, Juan, at tatlo pang kaibigan.
“Hello po!” ‘Yan ang mga paunang pabatid nila sa akin!
“Hello! Kamusta naman kayo?” Tugon ko nang may buong sigla at saya dahil makakausap ko na rin sila. Ilang minuto rin ang inilaan namin para sa kamustahan; siguro mga sampu hanggang labinlimang minuto rin ‘yon na nagpapakilala, nangangamusta, at nakikipagmabutihan sa isa’t isa.
Ngunit syempre, hindi lang naman doon nagtatapos ang pagkikita naming iyon. May inihanda rin kasi ang iba kong mga kasamahan para naman mabaling kahit panandalian sina Maria mula sa mapait na reyalidad ng kanilang buhay. Pero bago iyon, nagpresenta muna ang isa kong kasamahan para tanungin lang nang mabilis sina Maria.
“Gaano po kahalaga ang mga tulong na naipaabot na namin sa inyo?”
Tumugon naman ang isa sa kanila: “Napakalaking tulong po iyong pinapalaganap niyo ‘yung mga pinaglalaban namin. Dahil po roon ay mas marami na ang tao na namumulat sa katotohanan ng aming buhay.”
Nagpatuloy pa ang pagtatanong hanggang sa mapukaw ang aking atensyon sa huling sagot nila Maria at Juan sa tanong ng aking kaibigan, “ano pong nais niyong sabihin sa mga organisasyon o taong tumutulong at sa gusto pang tumulong?”
“Simple lamang po! Maraming salamat! Dahil sa inyo, nagpapatuloy ang pakikibaka namin.”
Sa ilang mga salitang namutawi sa kanilang bibig, halo-halong emosyon ang naramdaman ko. Isang bahagi sa akin ay nadurog ang puso dahil itong mga kausap kong ito, sina Maria at Juan, ay sintanda ko lamang pero labis ang mga hamong dinaranas. Ang isa nama’y natutuwa na may naitanim kaming binhi ng pag-asa sa kanila na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga pinaglalaban. Sumagi rin sa isip ko ang matakot at mangamba na baka hindi ko mapanagutan ang pagtulong sa kanila. Sa huli, hinayaan na ko lang na maramdaman ko ang mga emosyong iyon.
Sa wakas! Natapos na rin ang madamdaming pagtatanong ng aking mga kasamahan kina Maria at Juan. Dahil diyan, nakapaghayahay na kami; kung ano-anong laro ang pinaglalalaro namin — 4 Pics, 1 Word at Guess the Word nga lamang ang natatandaan ko. Gayunpaman, sa buong oras na kasama ko sila, tuwa ang nanaig sa aking puso.
Kahit masakit, kailangan na rin naming magpaalam dahil isang oras at kalahati lang ang naipagpaalam namin. Gayunpaman, hinding-hindi ko makakalimutan ang ligalig, halakhak, at abot-taingang ngiti nina Mikay at Jomar!
“Maraming salamat po talaga!” Hanggang sa huli, pasasalamat pa rin ang bukambibig nila.
Dahil sa inyo, nagpapatuloy ang pakikibaka namin.”
Nang matapos na ang lahat ng iyon, pinatay ko muna ang aking laptop at humiga sa aking kama, nakatingala sa dingding. Bumalik na naman ‘yong halo-halong emosyon na naramdaman ko wala pang isang oras ang nakalipas.
“Grabe ang pasasalamat nila; nag-uumapaw sa saya ang bawat sambit nila pero hindi ba’t iyon naman talaga ang tulong na natatanggap nila. Kung tutuusin, wala pa iyon sa kalingkingan ng dapat na mayroon sila. Hindi tulad ko, ang pagkatao, kultura, lupa, seguridad, at edukasyon ay ipinaglalaban pa rin nila.” Iyan ang mga ideyang naglalaro sa aking isipan.
Hindi talaga mawari ng isip, puso, at diwa ko kung ano dapat ang maramdaman. Galit ba dahil sa sistemang labis ang panggigipit na ipinaparamdam sa kanila? Tapang ba upang patuloy na mag-apoy ang pangarap nilang makalaya at magpalaya? O dapat bang hindi ko na kailangan pang pangalanan itong mga damdamin ko?
Gayunpaman, isang mensahe lamang ang tumatak sa aking isip: may pribilehiyo akong mamuhay ng komportable ngunit may kakayahan rin akong bagabagin ang mga nagiging komportable kapalit ng paghihirap ng mga kagaya nila Maria at Juan.
Malaya ang aking mga kamay na magsulat, malakas ang aking boses upang magpaalam, at matatag ang puso ko para makiisa sa pinaglalaban nila.
Sinabi ko talaga sa sarili ko: “Tutulong at tutulong ako sa abot ng aking makakaya; kasama nila ako sa laban nila. Ang mga panulat, salita, at kwento ang magsisilbing tulong ko; sasamahan ko sila hanggang sa huli!”
(Names have been changed for privacy purposes)
Comments